Monday, September 26, 2005
matinding PAGMAMAHAL
Noong una, ayokong makipagkilala sa Kanya, ni ayaw kung lumapit o pumunta sa mga lugar kung saan alam kung andun Siya. Hindi ko Siya gustong mapag-usapan at mapagkwentuhan. Naiilang ako pag tungkol sa Kanya ang usapan dahil alam kung hindi ko Siya kilala. Pero, hindi ko pala Siya kayang iwasan, dahil kahit saan ako magpunta, andun ang anino Niya. Lagi na lang Siyang ping-uusapan. Pinupuri nila ang mga nagagawa Niya at kakayahan Niya. Lahat Sila ay tuwang tuwa sa Kanya, ikinagagalak na Siya ay nakilala. Ako na lang yata ang natitirang ayaw magpakita sa Kanya. Minsan nga naiisip ko na magpakilala na rin sa kanya? Kaya lang, lagi akong pinapangunahan ng takot. Paano kung hindi Niya pala ako gustong makilala? Paano kung hindi ko pala Siya talaga makikilala? Paano kung mapahiya lang ako sa kaalamang hindi pala Niya ko ninais makilala? Paano kung magkamali ako at mas lalo lang Siyang mapalayo sa akin? Paano kung dahil sa pagkakamali kung iyon ay tuluyan ko na Siyang hindi makilala? Yaan at marami pang ibang katanungan ang umuokupa sa aking isipan. Subalit, hindi ko pala talaga kaya na hindi makipagkilala sa Kanya. Kailangan ko rin pala Siya, kailangang-kailangan ko pala talaga ng tulong Niya. Masyado lang akong mapagmataas kaya ayaw kong kilalanin ang pangangailangan ko sa Kanya.
Sumugal ako at sumubok na lumapit sa Kanya, kinakabahan ako noon dahil baka hindi Niya ko pansinin at pakinggan. Baka talikuran Niya lang ako at hindi kausapin. Gayunpaman, lumapit pa rin ako at nakipagkilala sa Kanya. Mabait pala talaga Siya, nginitian Niya ko at sinabing matagal na Niya kung ibig makilala. Hinihintay nga lang Niya kung lumapit kung kailan handa na akong Siya ay makilala. Siya rin pala ay nangangambang baka tuluyan akong lumayo sa Kanya. Maligayang-maligaya ako noon. Hindi ko inakalang lubusan akong liligaya sa pakikipaglapit sa Kanya. Naging mabuti kaming magkaibigan. Naging magaan ang loob ko sa Kanya hanggang sa hindi ko na pala namamalayang unti-unti ko na palang inilalahad sa Kanya ang buong buhay ko. Sa Kanya ko rin lang nasasabi ang mga bagay na itinuturing kong malaking lihim ng akong pagkatao. Inihhinga ko sa Kanya ang lahat ng problema ko, ultimo pati ang maliliit na bagay. Sa kagalakan ko, hindi naman Siya nagsasawang ako ay pakinggan. Kung minsan pa nga ay binibigyan Niya ako ng payo sa mga suliranin ko. Kadalasan na rin na gumagawa Siya ng daan para malutasan ko ang mga pagsubok na kinakaharap ko. Palagi Siyang nandyan at nakaagapay sa bawat gagawin ko, handang alalayan akong tumayo sa bawat pagdapa ko. Sa Kanya ko lang natagpuan ang kaligayahang hindi ko alam na hinahanap ko pala. Kaligayahang pilit ko palang hinahanap sa ibang bagay at tao gayong nandun lang pala Siya at handang yakapin ako kahit kailan. Minahal Niya ko lubos pa sa inaakala kong pagmamahal na maaring ibigay at nararapat para sa akin. Pagmamahal na walang kundisyon. Hindi Niya ko kailanman tinalikuran, kahit na sa mga panahong nakalilimutan kong lumapit at makipag-usap sa Kanya. Palagi pa rin Siyang nandun at naghihintay. Naghihintay kung kailan muli akong lalapit at makikipag-kwentuhan sa Kanya.
Tama pala sila, kakaiba nga Siya. Kakaiba ang pagmamahal at kaligayahang kaya Niyang ipagkaloob, walang kapantay! Sa laki ng puso Niya, lahat ay nais Niyang makilala at mahalin, hindi Siya kailanman namili ng kaibigan. Sayang, kung sana ay noon ko pa nalaman ang tungkol sa Kanya, kung sana ay noon pa ako naglakas-loob na lumapit sa Kanya, disin sana’y noon pa ako naging maligaya. Gayunpaman, ayos lang. Hindi-hindi na ako lalayo sa Kanya, ngayon pang nasanay na ako sa pagmamahal Niya… ikinagagalak kong makilala ang aking Dakilang Tagapagligtas na nagngangalang Kristo! =)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment